
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Pebrero 6, 2011
Is. 58:7-10 / I Cor. 2:1-5 / Mt. 5:13-16
Halos dalawang linggo na akong naninirihan dito sa Nueva Ecija. Pinili kong magsimula ng panibagong buhay dito na naglalayon na mas may lalong matutunan ukol sa buhay. Nakakatuwang isipin na ang ebanghelyo ngayon linggo ay tungkol sa pagiging asin at ilaw ng bawat isa. Asin na nagbibigay alat at ilaw na nagbibigay liwanag. Para kanino? Marahil para sa lahat. Para sa bawat taong ating nakakasalamuha bawat segundo, bawat minuto at bawat oras at araw.
Naisip ko tuloy sa pagdako ko sa bagong lugar na ito, maaaring magsilbi akong asin at ilaw. Asin na magbibigay o maaring magdagdag ng alat sa lugar na ito. Ilaw na magsisilbi o tutulong magbigay ng liwanag sa mga taong aking makakasalamuha. Sa pag-uumpisa ko dito ng aking buhay masasabi kong makakapagsimula ako ng maayos. Malayo sa bakas ng nakaraan. Malayo sa anino ng nakaraan.
Ngunit sa aking pagninilay-nilay, bigla kong naisip kung may alat at liwanag pa nga ba ako? Maari pa ba akong maging asin at ilaw sa lugar na ito matapos ang mga pinagdaanan ko sa aking nakalipas. May natitira pa bang alat at liwanag sa akin kahit kaunti?
Ang totoo hindi ko alam. Pero batid ko na ang Diyos ay kailanman hindi nagkukulang. Ang Diyos ang may kakayanan punan ang aking kakulangan. Siya lamang wala ng iba.
Kung wala man akong alat at liwanag na maibabahagi pa sa iba, isa lamang ang aking nais. Na sana sa bawat taong aking makakasalamuha sa bagong lugar na aking kinaroroonan, sa bawat pangyayaring maaari kong danasin, madama nila ang alat at liwanag na aking naranasan sa piling ng Diyos. Nawa'y alat niya at liwanag ang aking maibahagi. Hindi na ang akin... kung mayroon pa mang natitira...