Saturday, July 23, 2011

nataGpuanG kaYamaNan

Ika-17 Linggo sa Pangkaraniwang Panahon
Hulyo 24, 2011
1Kgs 3:5.7-12 / Rom 8:28-30 / Mt 13:44-52


Nakita ko na ang aking kayamanan.

Wala na akong mahihiling pa.

Totoo.

Yayakapin mo talaga na parang kay tagal mong kinapanabikan at sa wakas nakita mo na rin.

Kakalimutan mo ang lahat na parang kayong dalawa lang ang umiiral sa mundo.

Balewala na sayo ang lahat ng meron ka pati ang lahat ng pwedeng magkaroon ka kasi nakita mo na ang kayamanan mo.

Ipagpapalit mo talaga lahat para lang hindi mawalay sa kanya kahit masakit at kahit may masasaktan.

"Kung nasaan ang iyong kayaman, nanduon din ang iyong puso"

Siguro ganun din nga talaga ang naramdaman ni Kiko nang makita nya ang kanyang babae sa buhay.

Na parang siya ang gusto mong ipakilala sa buong mundo.

Na parang siya ang gustong mong makita nang iba na yakap-yakap mo.

Na parang sa kanya na umiikot ang buhay mo.

Totoo.

Nakita ko na ang aking kayamanan.

Kahit madungis siya tingnan.

Kahit nakakadiri siya isipin.

Kahit mababa siya ituring.

Kahit mabaho siya amuyin.

Pero dalisay ang kanyang hatid.

Totoo.

Maniwala ka.

Karukhaan

Kahirapan

Kapayakan

Kababaan

At kung dumating ang panahong kaya na kitang panindigan

Nawa'y tanggapin at yakapin ka rin ng mga mahal ko sa buhay.

Saturday, February 5, 2011

mAy aLaT aT LiwAnaG pA bA aKo?


Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Pebrero 6, 2011
Is. 58:7-10 / I Cor. 2:1-5 / Mt. 5:13-16


Halos dalawang linggo na akong naninirihan dito sa Nueva Ecija. Pinili kong magsimula ng panibagong buhay dito na naglalayon na mas may lalong matutunan ukol sa buhay. Nakakatuwang isipin na ang ebanghelyo ngayon linggo ay tungkol sa pagiging asin at ilaw ng bawat isa. Asin na nagbibigay alat at ilaw na nagbibigay liwanag. Para kanino? Marahil para sa lahat. Para sa bawat taong ating nakakasalamuha bawat segundo, bawat minuto at bawat oras at araw.
Naisip ko tuloy sa pagdako ko sa bagong lugar na ito, maaaring magsilbi akong asin at ilaw. Asin na magbibigay o maaring magdagdag ng alat sa lugar na ito. Ilaw na magsisilbi o tutulong magbigay ng liwanag sa mga taong aking makakasalamuha. Sa pag-uumpisa ko dito ng aking buhay masasabi kong makakapagsimula ako ng maayos. Malayo sa bakas ng nakaraan. Malayo sa anino ng nakaraan.
Ngunit sa aking pagninilay-nilay, bigla kong naisip kung may alat at liwanag pa nga ba ako? Maari pa ba akong maging asin at ilaw sa lugar na ito matapos ang mga pinagdaanan ko sa aking nakalipas. May natitira pa bang alat at liwanag sa akin kahit kaunti?
Ang totoo hindi ko alam. Pero batid ko na ang Diyos ay kailanman hindi nagkukulang. Ang Diyos ang may kakayanan punan ang aking kakulangan. Siya lamang wala ng iba.

Kung wala man akong alat at liwanag na maibabahagi pa sa iba, isa lamang ang aking nais. Na sana sa bawat taong aking makakasalamuha sa bagong lugar na aking kinaroroonan, sa bawat pangyayaring maaari kong danasin, madama nila ang alat at liwanag na aking naranasan sa piling ng Diyos. Nawa'y alat niya at liwanag ang aking maibahagi. Hindi na ang akin... kung mayroon pa mang natitira...


Wednesday, January 20, 2010

gaBay....

Welcome! This is my second blog wherein I will share my thoughts and reflections on every Sunday Gospel Reading. I will try to faithfully update my blog and be able to share how this reading affects and speaks in my life as a Catholic Christian.